Categories
Medium-Filipino Short Stories

LANDSLIDE (Ang Bilog, Ang Opisyal na Babasahing Pampanitikan ng San Pedro College of Business Administration, Nobyembre 2005)

“Hindi ka pa ba matutulog?”

 

Ang tanong ko kay Luisa, sapagkat ako’y nababahala na sa mga ipinagkikilos niya nitong mga nakaraang araw.  Wala akong natanggap na sagot mula sa kanya.  Mula sa beranda, tuloy-tuloy siya patungong silid nang hindi man lang lumilingon sa akin.  Sinadya kong magpaiwan sa labas.  Siguro’y dahil na rin sa pagkapahiya sa di niya pagtugon.

Nakapaninindig-balahibo ang lamig na hatid ng gabi.  Paano kaya ito nakayanan ni Luisa?  Hindi kaya kinausap niya ang mga kuliglig?  Hindi kaya nakipagkuwentuhan siya sa sipol ng hangin?  O di ka’y nakipagtitigan siya sa buwan?

Anim na taon na kaming kasal  Ang unang tatlong taon ay sing-aliwalas ng hanging amihan.  Subalit ang huli’y dinaluyong ng habagat.  Mayroon kaya akong nagawang pagkukulang?

Napatingin ako sa itaas para sa kasagutan.  Pero walang naghimalang sumagot sa akin.  Maliban sa pagpatay-sindi ng mga magagarang ilaw ng mansion sa tuktok ng talampas na tila sumasagot ng… Meron… Wala… Meron… Wala… Meron?

Kami ay nakatira kung saan ang estado ng pamumuhay ay nasusukat sa pamamagitan nang taas ng lugar na tinitirikan ng bahay.  Overlooking kung tawagin.  Kung saan ang matatarik na dahilig ay walang patumanggang pinatag upang pagawan ng mga kalsada.  Kung saan ang mga malalaking puno ay walang habas na pinagpuputol upang bigyang daan ang mga poste ng ilaw.  At kung saan ang masukal na kagubatan na dating kanlungan ng mga  maiilap na hayop ay pinaamo upang magbigay-pugay sa mas mataas na uri ng hayop- ang mga tao.

Sa mababang parte pa ng bundok kami nakatira noong bata pa ako.  Kaming mga mahihirap ang tagasalo ng mga basura at baha ng mga tagataas.  Hindi man nila sinasadya, talagang itninadhana na ang tubig at ano pa man ay bumagsak mula sa itaas patungo sa ibaba.  Sa paghahangad na mapataas pa ang aming kinalalagyan , nagsumikap nang husto ang aming mga magulang.  Nag-aral akong mabuti at di naglaon ay gumapang sa saril kong mga paa at mga kamay upang makarating sa kinaroroonan ng sarili kong pamilya ngayon.  Wala doon sa baba.  Wala doon sa pinakamataas na halos ay maabot mo na ang langit.

Sa tingin ko ay sapat na aking nagawa para sa isang maliit na pamilya.  Ako.  Si Luisa, ang aking asawa.  At ang aming nag-iisang anak na tatlong taong gulang.  Nais ko sana ay magkaroon pa nang isa… dalawa… tatlo… o higit pang mga anak, subalit maisasakriisyo ko ang  aming kalagayan.  At sa tingin ko rin  naman ay dahil na rin sa kagustuhan ni Luisa.  Lalo pa kong magsusumikap upang matupad ko ang aking ninanais at makaakyat pa kahit isa… dalawa… tatlo… o higit pang mga hakbang pataas.

Meron… Wala… Meron… Wala… Meron… Wala?, ang sagot ng pata-sinding mga ilaw.  Gusto ko sanang hintaying patayin ng may-ari ang mga ilaw na iyon sa mansiyon upang malaman ko ang kasagutan sa katanungang bumabagabag sa akin.  Subalit tila napasailalim ako sa kapangyarihan ng mga iyon at ako ay nakadama ng pagka-antok.

Pumasok ako sa kuwarto upang magpahinga na at sa pag-asang tulog na rin si Luisa.  Subalit natagpuan ko siyang nakaupo sa harap ng pugon, nanginginig at panay ang haplos sa sariling mga kamay.  Patay na ang aircon at sarado na ang mga bintana ngunit matindi pa rin ang kanyang pagkaginaw.  Nilapitan ko siya mula sa likuran at ibnalabal ang aking mga kamay sa kanyang katawan.  Walang anu-ano ay tinabig niya ako at lumabas ng kuwarto.  Pumasok siya sa kabila- doon sa kuwarto ng aming anak.  Sinundan ko siya para kausapin pero ang pagkandado ng pinto ang isnagot niya sa akin.

Bumalik ako sa aming kuwarto.  Ipagpapabukas ko na lamamg ito.  Mapayapa akong matutulog ngayon at bukas ay sisimulan ko nang ayusin ang aming pagsasama.

Nagising ako sa pagkaka-idlip.  Narinig kong umiiyak ang aming anak.  Kinuha ko ang susi.  Binuksan ang pinto.  Binuksan ko ang ilaw.  Dali-daling yumakap sa akin ang aking anak.

Wala si Luisa…

Nasa beranda siguro…

Pero wala si Luisa sa beranda…

Bumaba akong akay-akay ang aking anak upang hanapin si Luisa.

Sinuyod ko ang buong kabahayan.  Pati ang tarangkahan… Wala si Luisa.  Kinuha ko ang susi ng aking sasakyan at nagpasyang hanapin si Luisa sa labas kasama ang aking anak.

Dahan-dahan kong binaba ang dahilig.  Hinanap ko si Luisa sa gulod.  Hinanap ko si Luisa sa kabilang ibayo ng bundok.  Hinanap ko si Luisa sa lambak… Wala si Luisa.  Nagpasya akong magpahinga muna sa kapatagan,  Gamit ang maliwanag kong lente, tuloy pa rin akong naghanap ng anumang senyales ni Luisa.

Hindi ko nakita si Luisa.  Kinalma lang ako ng ng ideyang siguro’y nandoon siya sa kanyang mga magulang.  Sa bayan.

Nakatulog na rin ang aking anak sa loob ng sasakyan.  Malayo na rin ang aming narating.  Nagpasya akong simulan ang paglalakbay pauwi ng bahay.  Siguro nga ay nasa mabuti nang kalagayan si Luisa ngayon.

Habang naglalakbay, naisipan kong siguruhin si Luisa.  Pero walang signal sa loob ng sasakyan.  Inihinto ko saglit at nilabas ang sasakyan upang siya’y tawagan.

Pagbukas ko ng pinto ng sasakyan ay may kakaiba akong narinig at naramdaman.

Maingay- pinaghalu-halong iyak ng mga tao at hayop.  Dumadagundong.  Nabubuwal ang mga poste ng ilaw at ang mga puno.  Nagdidilim.  Nadarama ko ang mangilan-ngilang piraso ng bato sa aking balat.  Lumilindol.  Pumasok ako ng sasakyan upang siguruhin ang aking anak.

Mas magiging delikado kung aalis pa kami asa aming kinaroroonan.  Siguro naman ay ligtas kami ditto sa gitna ng kapatagan.  At kung hindi man ay mas gugustuhin kong magkasama kami ng aking anak na lamunin ng lupa.

 

Nabasag ang salamin sa likuran.  Bagamat nakapreno ang sasakyan, nararamdaman ko ang paggalaw nito.  Paabante.  Paatras.  At kahit na lateral.  Tinamaan nang may kalakihang bato ang salamin sa harapan. Sumugat sa akin ang kapirasong salamin.  Masakit, pero ayokong mas masaktan ang aking anak.  Niyakap ko siya nang mahigpit.

Maliwanag na nang humupa ang pagyanig.  Wala namang masamang nanyari sa akin at sa aking anak.  Una kong hinanap si Luisa.  Wala siya sa bayan.  Nasaan kaya si Luisa?

Paano kaya kung bumalik pala siya sa sa bahay? Paano kung…?

 

Daan-daang tao ang nawalan ng buhay at bahay.  Milyun-milyong halaga ng ari-arian ang kinain ng lupa.  Napatag ang bundok.  Patung-patong ang mga pira-pirasong bangkay ng di makilalang tao at hayop.  May mga taga-kapatagan.  May mga taga-burol.  May mga taga-talampas ng bundok.

Tatlong araw na ang aming paghahanap.  Wala si Luisa.  Ipinasa-Diyos ko na lang siya.  Subalit sayang ang aming nasimulan.  Sayang ang mga pangarap ko para sa kanya.  Sayang ang isa… dalawa… tatlo… o higit pang mga mga hakbang na kung hindi man paakyat ay tungo sa ikabubuti ng aming pagsasama.  Sayang ang lahat lahat na biglang buimagsak at naglaho kasama ng bundok…  Magsisimula ulit kami ng aking anak.

Pero bilang pasasalamat na rin sa pagkakaligtas namin, tumulong ako sa paghuhukay.  Karimarimarim ang panoorin. Ang nakahihimatay na amoy ay lalo pang pinatindi ng lamig ng panahon.  Wala nang naglakas-loob pang sumuong sa mapanganib na lugar.  Umasa na lang kami sa mga aso at mga langaw na kung saan nagkukumpulan ay doon malaki ang posibilidad na mayroong biktima.  Wala akong nakitang palatandaan ni Luisa.

Damang-dama ang hapis sa bawat isa.  Hindi nila matanggap ang pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.

Nang biglang halos may himatayin sa katatawa.

“HA HA HA HAAAAAAAAA!”

 

Marami ang nairita sa tinuran ng isang maghuhukay.

“SI DON SOTERO, SI DON SOTERO! HA HA HA HAAAAAA!”

“HA HA HA HAAAAAAA!”

 

Sumunod pa ang ilan sa katatawa.

Lumapit ako para malaman ang dahilan.  Si Don Sotero pala ang na may-ari ng pinakamalaking mansiyon sa tuktok ng talampas ang kanilang natagpuan.  Pero hindi siya nag-iisang natagpuan.  Hubo’t hubad itong nahukay na may kasama na kapwa walang saplot.  Hindi man lang natinag ang dalawa sa pagkakapatong.  Napangiti lang ako sa nasaksihan.  Tulong-tulong naming binaligtad ang bangkay ni Don Sotero.  Hindi makilala ang babae sa sinapit ng mukha nito.  Nang biglang magdilim ang aking paningin… Naghalo ang awa…poot… galit… at suklam sa aking dibdib.

Paunawa:  Ang mga nabanggit na pangalan, lugar at pangyayari ay pawang kathang-isip lamang.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s