Categories
Medium-Filipino Short Stories

Damuhan

BEEP! BEEP! BEEP! BEEP!

“Magandang Umaga Sir!” , bati  ng aming guwardiya habang binubuksan ang tarangkahan.

“Magandang Umaga.  Nandiyan ba si Daddy?”,  Sagot ko.

“Opo.  Nasa balkon po… nagkakape.”

“Pakikuha na lang ng gamit ko sa loob ng kotse.”

Opo, Sir!

Ang sarap ng pakiramdam.  Pagkatapos ng isang semestreng pakikipagbuno sa sandamakmak na aklat at  pakikiharap sa sankaterbang klase ng mga mag-aaral at mga guro, sa wakas ay nakauwi na rin ako ng San Isidro.

“Magandang Umaga po.”  Bati ko kay Daddy bago magmano.

“Magandang Umaga.  Kaawaan ka ng Diyos.”  Magkape ka muna.  Tapos na ba kayo sa school?”, tanong  ni Daddy .

“Opo, babalik na lang po ako ng Maynila sa susunod na linggo para mag-enroll.  Sige po, suminsay po ako kanina sa Tagaytay para magkape at pandesal.”,  sagot ko.

“Kararating mo lamang ah. Parang nagmamadali ka na namang umalis?”, tanong ni Daddy  nang mapansing aligaga akong pumasok ng kuwarto para magbihis.

“Sasaglit lang po ako sa Damuhan, habang hindi pa tirik ang araw.”, sagot ko.

“Ganoon ga?, Ay sya, mag-iingat ka.”, paalala ni Daddy.

“Bakit naman po?”, balik kong tanong

“May kasukalan ang Ilang na Daan papunta doon, baka matuklaw ka ng ahas o kaya ay masugatan ng matatalas na dahon ng talahib.”, si Daddy ulit.

“Si Daddy naman.  Alam ko na iyan, para namang di ako sanay.”, sagot ko.

“O siya sige.  Basta mag-iingat ka.”, paalala niyang muli.

***

Bahagya pa lamang sumisikat ang araw.  Ang mga hamog na nagmimistulang mga bilog na bahaghari kapag tinatamaan ng silahis ang sumalubong sa akin sa Ilang na Daan.  Ang mga linya ng tanim na mga saging ay animo’y pulutong ng mga matatapang na sundalong buong giting na sumasaludo sa akin subalit pakumbabang naninikluhod kapag hinahawi ko na ang kanilang mga dahon.

Ang lupa ay nalalatagan ng sari-saring uri ng damo.  May mga mimosa na hitik na hitik na sa kulay rosas na mga bulaklak pero tulad ng mga babaeng probinsiyana ay tumitiklop ang mga dahon kapag sila’y nasasaling.  Huwag mo lamang silang tatapakan pagkat sila’y handang lumaban gamit ang kanilang mga tinik.  May mga arilyus-ariyosan na buong pagmamalaking ibinibida ang kanilang puti at bughaw na mga bulaklak na kung iyong aaamuyin ay mababahing ka lamang.  May mga amorseko na may mga bulaklak na sadyang ginawa para dumikit sa mga balahibo ng aking mga paa at sa laylayan ng aking salawal.  May mga lipang pusa din na makati pa sa higad ang mga dahon.  Humahalimuyak na din ang mga bulaklak at ubod ng damong mutha na lalong pinatindi ng samyo ng bagong tabas na mga talahib.

Hindi naman ako masyadong nahirapan sa pagbaybay sa halos isang kilometrong Ilang na Daan.

Maya-maya pa ay tumambad na sa akin ang Tumana ng Damuhan.  Ang Tumana ay ang aming palaruan noong aming kabataan.  Inabutan ko ang napakaraming batang naglalaro dito.  Paborito nilang palaruan ito dahil sa kapatagan nito at kawalan ng masusukal na mga damo at mga puno.  Sari-saring mga uri ng damo ang bumabalot sa pula nitong lupa.  May barit, may Bermuda grass at may carabao grass na likas na tumutubo hindi kagaya sa Maynila na bibilhin mo pa ng singkuwenta pesos bawat kuwadradong talampakan para gamitin sa pagla-landscape.  Ganitong uri ng mga damo ang gustung-gustong paglaruan ng mga bata.  Hindi masyadong makati ang mga ito sa balat at mga ito ay malambot kaya hindi nakasusugat.

Halos isang kilometro kuwadrado ang Tumana.  Daig nito ang anumang palaruan na makikita sa mga paaralan.

Kanya-kanyang grupo ang mga batang naglalaro doon.  May nagpapalipad ng saranggola dito habang may naglu-luksong baka doon.  May nagpa-patintero dito samantalang may nagpa-paluan doon.  Paluan ang tawag namin sa lokal na laro ng baseball.  Isang binilog na malaking lumang medyas ang nagsisilbing bola.  Isang buong puno naman ng kawayan ang pamalit sa bat.  Puwede ring palapa na lamang ng niyog kung wala talagang makitang kawayan.

Pero ang paborito kong laro ay ang sikyo.  Sikyo ang tawag namin sa larong moro-moro o agawan-base.  Hindi ko alam kung saan nakuha ang pangalang ito. Basta ang alam ko lamang ay sumisigaw ng “sikyo” ang manlalarong nakaaagaw ng base.  Layunin ng larong ito na maagaw ang base ng kalabang koponan.  Nagagawa lamang ito sa pamamagitan ng pagtapak ng isang paa ng isang manlalaro sa base ng kalabang koponan bago siya mataya o mahawakan.  Inaagaw ang kalabang base sa pamamaraang  kapareho ng kung paano ang isang manlalaro ng baseball ay nagho-homerun.  Padausdos at patagilid para hindi mataya. May layong isang daang talampakan sa pagitan ng dalawang base.  Halos kasing layo ng pagitan dalawang poste ng basketball court.

May dalawang koponan sa larong ito at ang bawat isang koponan ay binubuo ng tatlo o higit pang mga manlalaro.  Mas madami, mas magulo at mas masaya.  Kung sinong unang umalis sa base niya ay siyang hahabulin at tatayain ng kalaban.  Tutulong  naman ang isa at tatayain ang gustong tumaya sa kanyang kakampi.  Puwede rin namang bumalik siya kaagad sa kanyang base at tayain ang kalabang dating gustong tumaya sa kanya.  Kailangan lamang ay laging may naiiwang nagbabantay sa base dahil baka maagaw o ma-sikyo-an ito ng kalaban.

Kapag nataya ang isang manlalaro ay itatapak niya ang isa niyang paa sa base ng kalaban at buonghabang ididipa ang kanyang mga kamay.  Makakabalik lamang siya sa kanyang koponan at makakapaglaro muli kapag nadagit o nahawakan siya ng kanyang kakampi.

Ang pinakamaganda dito ay kung paano mag-iisip ng istratehiya upang maagaw ang base ng kalaban.  Maaaring magtago ang isang manlalaro sa likod ng base ng kalaban at sorpresang agawin ang base, pero kalimitan ay ubusan ang labanan.  Kapag nataya na ang lahat ng manlalaro ng kalaban maliban sa isa na naiwang nagbabantay ng base, susugod ang buong grupo, papalibutan ang base ng kalaban, lilinlangin ang tagapagbantay at  pipiliting agawin ang kanyang base.

***

HOY!

Nabigla ako sa aking narinig at agad-agad akong lumingon sa taong tumapik sa aking balikat.

“Pare!  Long time no see ah!”, si Jake isa sa aking mga kababata.  “Pare, kumusta?”

“Ito, bakasyon.  Summer na eh.  Ikaw kumusta?”  Patanong ding sagot ko sa kanya.

“Ito, ganoon pa rin.  Nag-asawa ka na ga?”, si Jake.

“Hindi pa.  Ikaw?”, ako naman ang nagtanong.

“Oo.  Si Josie pala ang aking napangasawa.  May anak na rin kami.  Ayun, si Junior, yung matuling tumakbo.  Yung naglalaro ng sikyo.”, buong pagmamalaking sagot ni Jake.

“Oo nga.  Kagaling ga ng batang iyon.  Mabuti hindi nagmana sa iyo?  Hahahaha.”, biro ko.

“HAHAHAHA!  Unlike father, unlike son.”, sagot niya.

“Si Pareng Tukmol?  Si Pareng Uweng?  Si Pareng Ben?  Nasaan na sila?, tanong ko.

“Ala’y nandoon sa Parang.  Kagagaling ko din laang doon.  May tulungan doon kina Pareng Uweng.  May bayanihan.  Nagbunot kami ng bawang.  Babalik din ako mamaya doon.  Kukumpayan ko laang ang aking kalabaw.”, pagpapatuloy ni Jake.

“Ayos nga yang dala mong kumpay ah.  Saan ga galing yang mga puno ng mga mais na iyan?”, tanong ko.

“Doon kina Ben,  nagputi kami kahapon.  Eh di aring mga punong natira ang siyang aking ipapakain sa kalabaw.”, si Jake ulit.

“Madami gang na-harvest na mais?”, tanong ko ulit.

“Kakaunti.  Tagtuyot eh.  Saka madaming kulisap.  Ay siya, mamaya ay suminsay ka doon kina Pareng Uweng.  Pagkatapos ng bayanihan ay may kaunting inuman.  Hehehe.  Si Pareng Pol pala?  Si Pareng Dave?  Si Pareng Ton? ”, hindi matapus-tapos na tanong ni Jake.

“Ah, nagkikita-kita kami paminsan-minsan.  Ang alam ko ay nakauwi na sila dito sa San Isidro.  Sige, tatawagan ko mamaya, yayain ko kina Pareng Uweng.”, sagot ko.

“Siya sige.  Aasahan ko iyan ha.”, pamamaalam ni Jake.

“Sige.”, namaalam na rin ako.

***

Ako si John Villa.  Taga San Isidro.  San Isidro Silangan.  Sa St. Isidore Village.  Nag-iisang anank ni Don Juan Villa- may-ari ng St. Isidore Village.  Ako si John Villa- tagapagmana ng St. Isidore Village, tagapagmana ng JV Homes, tagapagmana ng Villa San Juan, ng Everlasting Residences at iba pa.  Sa madaling salita, ako si John Villa, tagapagmana ng Villa Land.  Tagapagmana ng San Isidro Kanluran na kung tawagin ay Damuhan kasama ang Ilang na Daan, ang Tumana at ang Parang.

Umuwi ako para mananghalian.  Malayu-layo pa rin ang aking lakarin.  Hindi naman puwede ang anumang sasakyan sa Ilang na Daan.  Dati-rati ay inaakyat ko lamang ang mataas na bakod na naghihiwalay sa San Isidro Silangan at San Isidro Kanluran.  Umaakyat lamang ako sa puno ng bayabas, sasampa sa bakod at tatawid sa Silangan.  Ngayon kailangan ko pang umikot.  Una, malaki na ako para gawin iyon.  Pangalawa, may barbed wire na sa ibabaw ng bakod.

Kung kanina ay hamog ang sumalubong sa akin sa Ilang na Daan,  ngayon naman ay mga taga Damuhan ang aking makakasalubong.  Kalimitan sa kanila ay galing bayan at uuwi ng bahay para rin mananghalian.
***

“Hoy Tukmol!”, bati ko kay Tukmol nang siya ay aking mamukhaan.

“Huwag na huwag mo akong matatawag na Tukmol , may pangalan ako at isa pa- hindi kita kilala.”, pagalit niyang sagot.

“Hoy! Si John ito!”, pagpapakilala ko.

“Alam ko!”, pabalang niyang sagot.

Iyon lang ang narinig ko mula kay Tukmol at agad itong tumalilis habang iwinawasiwas ang hawak nitong itak sa mga talahib na nadadaanan nito.

Hindi na ako nagulat sa reaksyon ni Tukmol.  Maaaring may galit siya sa akin at sa aking pamilya.  Hindi ko siya masisisi.  Maaaring habambuhay na luntian ang Damuhan, pero ang tao- nagbabago ng kulay.

***

“Pareng John!”, si Ben.

“O, Pareng Ben.”,  bati ko.

Iyon lang ang aking isinagot.  Naninigurado na ako sa pagkakatong ito.

“May inuman pala kina Pareng Uweng mamaya.  Suminsay ka ha.  Long time no see eh.”, imbita ni Ben.

“Sige, titingnan ko.”, maigsi kong sagot.

“Huwag mo nang tingnan. Pumunta ka na.  Huwag mong intindihin iyang si Pareng Tukmol.  Nagbibiro laang iyan. Paaaano pa’t magkakaayos din kayo mamaya. ”, panghihikayat ni Ben.

“Sige.  Pupunta ako.”, sagot ko.

“Sige.  Aasahan ko iyan ha.”, pahabol ni Ben.

“Sige.”, panigurado kong sagot.

***

Nakahanda na ang tanghalian nang dumating ako ng bahay.  Saglit akong naligo para matanggal ang kati at ang mga amorseko sa aking balat.

Dati, kahit amoy-araw na ako at kahit kung anu-ano pang mga dahon at mga kulisap ang kumakapit sa aking katawan ay hindi naman ako agad-agad na naliligo.  Katwiran ko- babalik pa ako mamaya sa Damuhan para maglaro.   Pero ngayon kilala ko na si Don Juan na naghihintay sa akin sa hapag-kainan.  Kailangan niya ng kahit na kaunting respeto.  Kailangan kong maligo.

Hindi nagsimulang kumain si Daddy hangga’t hindi pa ako umuupo.  Ilang subo pa ay binuksan ko ang mesa para sa isang diskusyunan.

“May plano pa ba kayong i-convert ang Damuhan?”, panimula ko.  “May plano pa ba kayong ituloy ang Villa San Isidro Project?”

“Tulad ng sabi ko sa iyo.  Nasa iyo ang desisyon.  Ikaw ang magmamana ng Damuhan.  Ikaw, ano sa tingin mo?, susog ni Daddy.

Katahimikan.

“Maiba tayo.”, bawi ni Daddy.  “Pagkatapos mo ng Management, saan mo planong mag-Masters?  Puwede rin naman kasing huwag ka nang mag Graduate Studies, tulungan mo na lamang ako dito sa Villa Land.  Pasasaan ba’t mapupunta din sa iyo ang aking sinimulan.”

“Pag-iisipan ko muna po.”, ang aking sagot.  Sige po.  Babalik pa po ako ng Damuhan.  May kaunting inuman doon kina Pareng Uweng.

“Gusto mo bang samahan ka nina Mang Pilo at Mang Tino?”, alok ni Daddy.

“Hindi na po.  Malaki na ako.”, sagot ko.

“Kaya nga eh, malaki ka na.  Hindi ka na katulad nang dati.  Kung ayaw mo talaga ay mag-ingat ka na lang doon.  Iba na kasi ang panahon ngayon.”, paalalang muli ni Daddy.

“Okay lang po ako.  Wala pong nagbago sa samahan namin sa Damuhan.”,  sagot ko.

“Okay.  May tiwala ako sa iyo.”, si Daddy ulit.  “Siya nga pala.  Dumaan kanina dito sina Ton, Pol at…  sino nga ba iyon, iyong anak ni Engineer de Jesus? Yung nagtapos ng Architecture?”

“Ah, si Dave po.  Ano pong sabi nila?”, pagpapatuloy ko.

“Nandoon daw sila ngayon kina Pol.  Dumaan ka muna daw saglit.”, sagot ni Daddy.

“O, sige po!”, pagpapaalam ko.

***

Si Pol, Si Ton at si Dave.  Ang mga kasangga ko sa San Isidro.  Taga St. Isidore Village din sila.  Kaming apat ang magkaka-kampi sa sikyo.   Kalaban lagi namin sina Uweng, Tukmol, Jake at Ben- mga taga San Isidro Kanluran, mga taga Damuhan.

“Oy, tol.  Kumusta?”, bungad sa akin ni Pol na kasalukuyang may hawak na bote ng serbesa kaharap si Ton at Dave.

“Ayos lang.”, sagot ko.  “Kanina pa ba kayo?”

“Kanina-kanina lang. “, si Ton, anak ni Mayor Velasquez.  “O, ito.  Para sa ‘yo.  Long time no see!”

“Punta tayo sa Damuhan.”, paanyaya ko.  “May inuman daw doon kina Pareng Uweng.  May bayanihan daw kanina.  Itutuloy daw sa inuman.”

“Iyon naman pala eh.”, si Dave.  “Lipat tayo don.  Matagal na ring hindi tayo nagpapangita ah.  Tara!”

“Tara! Bago tayo abutan ng dilim.”, si Pol.

“Hindi ba delikado doon?”, tanong ni Ton.  “Sabi kasi sa akin ni Daddy- may plano daw i-convert yang Damuhan.”

“Saan mo naman nakuha iyang balitang iyan?”, si Dave ulit.  “Ikaw na.  Ikaw na ang anak ng Mayor.  Hehehehe!  Alam ko rin iyan.  Iyan ba yung Villa San Isidro Project?  Balita ko si Daddy ang kinukuhang Project Engineer .  Pag nagkataon, ako ang head ng Architecture diyan.  Anong gusto mo bang design Pareng John?”

“Mga walanghiya kayo.  Pinapangunahan ninyo ako.”, agad kong sagot.

“Biro lang iyon Pareng John.  Alam naman naming-  UNLIKE FATHER UNLIKE SON.”, si Dave ulit.

“Pero hindi ba talaga delikado doon? ”, si Ton.  “Sabi sa akin ni Dad, mag-ingat daw ako.”

“So, iyon ang sabi ni Mayor?  Municipal Ordinance ba iyan?”, sambot ni Pol.

“Wow!  Kumpleto na naman ang Apat na Sikat!  Tara sa Damuhan!  Sikyo na ulit tayo! ”, si Ton.

“Change us! Ibahin nila tayo.  Si John ay hindi si Don Juan.  Si Pol ay hindi si Judge Querubin.  Si Ton ay hindi si Mayor Velasquez at ako ay hindi si Engineer de Jesus.  Tara na!  Apat na Sikat!”, paliwanag ni Dave.

***

Papalubog na ang araw nang kami ay dumaan sa Ilang na Daan.  Habang kami ay naglalakad ay hindi namin maiwasang balikan ang nakaraan ng aming kabataan.  Naroong magtatago si Pol sa likod ng puno ng saging at si Dave ay sisigaw ng-  “Bong! Taya ka na Pol!  Naroong si Ton ay kukubli sa matataas na damo na kunwari ay may hawak na baril at ako ay sisigaw ng-  “Bang!  Patay ka na Ton!  Naroong mauunang tumakbo  ang isa pagkatapos ay magbubuhol ng dalawang puno ng damong parag-is at kami ay tatawa nang ubod lakas kapag may dumaan sa bitag at madapa.

Siyempre, hindi mawawala ang aming chant:

A-A-APAT.  APAT NA SIKAT.  A-A-APAT. APAT NA SIKAT.  NANDITO NA ANG A-A-APAT. APAT NA SIKAT.   ANG A-A-APAT. APAT NA PAYAT.  AY-WA-WA-WALANG. WALANG BINATBAT  SA A-A-APAT. APAT NA SIKAT!

Nang biglang ang lahat ay tumigil sa pagkanta.  Nakita namin ang isang imahe ng isang lalaking may itak sa kanyang kaluban sa tagiliran.  Dahil may kadiliman na ay hindi namin naaninag ang mukha.  Tumigil kami sa paglalakad pero tuluy-tuloy naman ang paglapit ng imahe.

Nang akmang kami ay tatakbo nang pabalik ay biglang nagsindi ng posporo ang lalaki at itinutok sa sigarilyong nakaumang sa kanyang bibig.  Kaagad naming nakilala ang lalaki- si Mang Tasyo.

“Magandang Gabi po!”  Sabay-sabay naming bati.

“Gabi na ah.  Saan ang punta ng apat na sikat?”,  madilim man ay nakilala kaagad kami ni Mang Tasyo- dahil iyon sa aming pagkanta.

“Diyan po kina Pareng Uweng.  May inuman daw po doon.”,  tugon ko.

“Ah, ganoon ga?  Kumpleto nga doon ang Apat na Payat.  Nandoon si Tukmol ah.  Siya, sige, lakad na kayo nang kayo ay makarami.  Ingat kayo ha.  Kumpleto na naman ang Walong Gunggong!”, paalala ni Mang Tasyo.

Dahil doon, kami ay muling napakanta:

“WALONG GUNGGONG.  TIRADOR NG GALUNGGONG.  KAHIT TUTONG.  BASTA’T MAY GALUNGGONG.”

“One more time…”

“WALONG GUNGGONG.  TIRADOR NG GALUNGGONG.  KAHIT TUTONG.  BASTA’T MAY GALUNGGONG.“

“HAHAHAHAHAHA!”

Tuluy-tuloy lamang kami sa pagkanta hanggang sa kami ay makarating sa bahay ni Uweng.

***

“KUMUSTA ANG APAT NA SIKAT?”, sabay-sabay na bati nina Uweng, Jake at Ben.

“Tuloy kayo!”, si Uweng.

“Kanina pa ba kayo nagsimula?”, tanong ni Pol.

“Oo.”, si Uweng ulit.  “Pito kami kanina dito.  Umuwi na yung tatlo.

“Kaya apat na lamang ang natira.”, sambot ni Jake.  “Ang Apat na Payat.  Hahahaha!”

“Salamat at nakarating kayo.”, si Ben.  “Upo, upo, Pareng Pol. Dito ka sa tabi ko.”

“Ikaw, Pareng Ton, dito ka!”, yaya ni Uweng.

“Pareng Dave!  Dito ka na laang sa tabi ko.”, si Jake naman.  “HOY! Tukmol, paupuin mo naman diyan sa tabi mo si Pareng John!”

“UPO!”, si Tukmol pagkatapos ay hinampas nang malakas ang bangkong kayang inuupuan.

Naupo na nga ako sa tabi ni Tukmol.

May naapakan akong matigas na bagay sa ilalim ng mesa.  Nang aking silipin ay naaninag ko ang isang kaluban na may nakasaksak na itak.  Hindi ko pinansin.

“Upo, Pareng John.  Nagbibiro laang yang si Tukmol.”, ayon kay Uweng.  Hayop!  Kumpleto ang Apat na Sikat.  Kaming Apat na Payat-  araw-araw kaming nagpapangita dito.

Sumabat si Tukmol-mahina lamang.  Halatang lasing na.  “A… a…a…pat.  Apat… na… payat…  Ka… mi..ay..ma…hi… rap…Pe…ro..Di…Ku…rap. Ang a…apat. A…pat na Si..kat ay… a..anak… a..nak..ng..Ku…rap.”

“Huwag ninyo na laang pansinin iyang si Tukmol.  Lasing laang iyan.”, bale ni Jake.

“Hindi… ako lashing.  Hindi ako nag…bibiro.  Aym Shiryush.”, sagot ni Tukmol.

“HAHAHAHAHA!”, sabay-sabay na tawanan.

“Anong nakakatawa doon?!”, bawi ni Tukmol.  “MGA GUNGGONG!  Walong gunggong.  Tirador ng galunggong.  Kahit tutong.  Basta may Galunggong”

Sumabay na ang lahat…

“One more time…”

“WALONG GUNGGONG.  TIRADOR NG GALUNGGONG.  KAHIT TUTONG.  BASTA’T MAY GALUNGGONG.“

“HAHAHAHAHAHA!”

Sabay-sabay ding sunggab sa pritong galunggong na nakahain para sa pulutan.

“WALONG GUNGGONG…” , habang itinataas ang hawak-hawak na isda.

“MAHAL!  MAGLABAS KA DIYAN NG TUTONG”, sambot ni Uweng, tinawag ang asawa.

Lumabas ang maybahay.  “WALANG TUTONG!  MARUNONG KAYA AKONG MAGSAING NG KANIN.  HINDI AKO NASUSUNUGAN!, si Myrna, ang asawa ni Uweng.

“Ay siya!  Isalang mo ulit sa tungko iyang kanin para magka-tutong!”, hirit ni Tukmol.  “Walong tutong.  Special Order for eight!”

“Tumigil ka diyan Tukmol!  Ang hirap kayang magpa-apoy sa tungko!, sagot ni Myrna.

“Eh, kung ako ang pinakasalan mo.  Eh di sana sa gas range ka nagsasaing! ”, buwelta ni Tukmol.

“Ambisyoso!  Akala mo naman ay kaguwapuhan!”, banat ni Myrna.

HAHAHAHAHA! Sabay-sabay.

“Hindi pa rin lumilipas ang galing ni Tukmol sa pagpapatawa.”,  singit ko.

“Anong itinatawa-tawa ninyo diyan?  Aym shiryush!”, banat ni Tukmol.

Pagkatapos noon ay unti-unting yumuko si Tukmol.  Inapuhap ang kaluban ng itak sa ilalim at ibinaba sa ibabaw ng mesa.

“Shiryosho ako.  Shiryosho din itong gulok ko!”, dugtong ni Tukmol habang hinihila ang itak sa loob ng kaluban.

“Maghunos-dili ka.  Nandito ang Apat na Sikat.”, awat ni Uweng.  “Minsan na nga lamang mabuo ang Walong Gunggong eh!”

“Walong gunggong…, sagot ni Tukmol-  tirador ng galunggong…  kahit…MYRNA!  Nasaan na ang tutong?  Ang tagal naman.”

“O! Ito na!  Mga gunggong talaga kayong walo.”, pabirong sagot ni Myrna.

***

Walong Gunggong.  Iyon ang tawag ng mga taga-San Isidro sa aming grupo.  Pagakatapos kasi naming maglaro ng sikyo ay mahilig kaming manugod ng mga kusina ng mga taga Damuhan para makahanap ng makakain- at kalimitan ay pritong galunggong ang aming natatagpuan.

***

“Pareng Dave!”, tawag ni Jake.  “Balita ko ay architect ka na.  Pag natuloy ang Villa San Isidro Project, ikaw ang kukuhanin kong mag-dedesign ng bahay ko ha.  Ano gang magandang design?  Gusto ko yung Spanish Style”

“Sige ba.”, maikling sagot ni Dave.

“Shspanish, shspanish.  Ano yan sardinas?” agap ni Tukmol.  “Walang Villa San Isidrong magaganap!  Magkamatayan na!  Dito ako ipinanganak!  Dito ako lumaki!  Dito ako mamamatay!  Pero magsasama ako ng iba.  Ano ako, bayani?  Ako laang ang mamamatay para ipagtanggol ang karapatan ng mahihirap?  Kahit mahirap laang ako, may prinsipyo naman ako.  Hindi ako kurap!”

“Sino bang corrupt?”, sambot ni Ton.

“Yang tatay mo! Si Mayor Velasquez.  Bibilhin daw ng gobyerno ang Tumana kay Don Juan.  Gagawing kalsada papunta doon sa kabilang bayan.”  Maigi kung iyong Tumana lamang ang bibilhin.  Eh paano kung… Eh paano kung…

“Pareng Tukmol!  Natatandaan mo pa ga yung minsang naglaro tayo ng sikyo.  Yung ikaw na lamang ang natira sa base.  Nilusob ka ng Apat na Sikat?”, pag-iiba ni Uweng sa tema ng usapan.

“Hindi ko na alam ang pinagsasabi mo Pareng Uweng.  Eh paano kung…”, sagot ni Tukmol. Ah, oo nga! Natatandaan ko pa iyon.  Paano ga naman ay palagi na laang akong naiiwan sa base.  Ikaw naman Pareng Uweng, ikaw na nga laang ang pinakamatuling tumakbo, nagpataya ka pa.  Ito namang sina Jake at Ben ay ang hilig-hilig magtago sa likod ng base ng Apat na Sikat (sabay turo sa aming apat).  Pag nakita naman ay matataya din. Hehehehehe.  Hehehehehe.  Tanda ko pa iyon.  Hindi ko malaman kung sino ang una kong tatayain.” Noong itong apat na ito (itinuro ulit kami) ay sabay-sabay na nag-sikyo. Ay wala na akong nagawa.  Pinagtulungan ninyo ako eh.  Tinamaan ng mga paa ninyo itong sakong ko.  Kung hindi ko ipinahilot kay Mang Tiburcio ay hindi mananag-uli. Kayong namang tatlo (sabay turo kina Uweng, Jake at Ben) lagi ninyo akong iniiwanan.  Ano ako bayani?  Ako laang ang lalaban?  Katulad ngayon… Katulad ngayon…”

“Pareng Tukmol, nabalitaan mo ga iyung ginamot ni Mang Tiburcio kagabi?”, pag-iiba ni Jake ng usapan.  “Nasapian daw ng maligno.  Ginalaw ng tikbalang.  Humaba ang isang paa.”

“Oo.  Iyung si Isko!”, agad na sambot ni Ben.  “Hindi naman daw sinapian.  Sinipa daw iyong nuno sa punso doon sa Tumana kaya humaba ang paa.  Totoo kaya iyon?  Dahil iyang si Kulasa, noong isang taon, humaba naman ang dila.”

“Bakit daw?”, tanong ni Ton.

“Dinuraan daw iyung nuno sa punso!”, sagot ni Ben.

“Tapos yung si Badong, yung anak ni Mamay Masyang… humaba ang daliri!”, patuloy ni Uweng.

“Bakit daw?”, si Dave naman ang nagtanong.

“Eh, itinuro daw iyung nuno sa punso!”, sagot ni Uweng

Nang biglang  tumayo at lumayo sa mesa si Tukmol.

“Teka, saan ka pupunta?”, tanong ni Jake.

“Doon sa Damuhan.  Iihian ko iyung nuno sa punso!”, sagot ni Tukmol.

“HAHAHAHAHA!”, sabay-sabay na tawa.

“Kaya pala.  Kaya pala binasted ka ni Mareng Myrna mo!”, biro ni Uweng.

“Ulol!  Malaki na ito.  Since birth! (Sabay turo sa kanyang zipper at akmang iihi sa isang madilim na bahagi ng bakuran ni Uweng.

“Kuwela talaga itong si Pareng Tukmol kahit kailan.”,  sabi ni Pol.

“Oo, kuwela iyan,  Huwag na huwag laang mapapag-usapan ang tungkol sa Villa San Isidro Project.”, sagot ni Ben.  “Mapag-usapan laang naman .  Tutal wala pa naman dito si Pareng Tukmol… Ano bang sabi ng tatay mo Pareng Pol?  Anong sabi ni Judge Querubin sa kaso ng Damuhan.  Nasa kanya ang desisyon kung ihahatol niya na ibigay na sa amin ang mga titulo ng mga lupang aming tinitirikan dito sa Parang.  Doon kasi sa librong nabasa ko sa Pambayang Silid-aklatan, doon sa mga libro ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan, puwedeng mapasakamay namin ang lupang ito dahil doon sa Republic Act No.  6657 o Comprehensive Agraian Reform Law of 1988. Kapag daw matagal nang sinasaka ng mga tenants yung lupa ay puwede na itong ilipat ng landlord sa kanila.Tutal, yung lolo ng lolo ng lolo ng lolo namin ay sila ang unang nagsaka dito sa Damuhan.”

“Hindi ko alam.  Ang alam ko kasi… kung sino ang may hawak ng titulo… kung sino ang nagbabayad ng amilyar, ay sa kanya iyong lupa.”, sagot ni Pol.  “Pero ano pa nga bang mangyayari dyan sa Agrarian Reform Law na iyan kung hindi rin ipapatupad. Hindi ko rin naman masyadong nakakausap si Dad.  Saka hindi ko pa kabisado ang batas tungkol diyan.  Nasa ikalawang taon pa lamang ako ng Abogasiya.  Hayaan mo ire-research ko ang tungkol diyan.”

“Batas.  Batas.  Walang kwenta!”, nakabalik na pala si Tukmol sa mesa. “Dito ako ipinanganak.  Dito ako lumaki.  Dito ako mamamatay!”, patuloy niya habang isinasara ang zipper at aktong mauupo sa bangko.

“Upo Pareng Tukmol.”,  umusog ako nang kaunti sa bangko para paupuin si Tukmol.

“Pare? Pare?  Bakit ninong ga ako ng anak mo?  Eh, wala ka ngang anak eh! Ni walang asawa! Hindi naman kita kinuhang ninong ng anak ko!  Ayaw ko nga!”, si Tukmol habang umuupo.

“Eh hindi pa naman nabibinyagan iyung anak mo Pareng Tukmol ah!”,  biro ni Uweng.

“Eh kasi naman ayaw mo akong pautangin ng pambayad sa pukining inang simbahan ‘yan para mabinyagan ang anak ko!”,  si Tukmol ulit.

“Huwag namang ganyan Pareng Tukmol.  Simbahan iyon. Kung gusto mo ihahabol kita sa listahan para sa libreng binyag bukas.”, sambit ni Ton.

“Oo na.  Mayor na ang tatay mo!  Hindi ko kailangan ang tulong ninyo!  Yang simbahang ‘yan, wala diyan ang diyos.  Nandito (itinuro ang dibdib) at nandito (itinuro ang ulo) ang diyos.  Minsan nga naisipan ko nang tumiwalag sa simbahang iyan.  Binyag.  Kumpil.  Kasal.  Libing.  Lahat may bayad!”, pagdidiin ni Tukmol.

“Ay siya.  Sumama ka na lamang sa akin doon sa simbahan namin!”, Si Jake.

“Saan?  Doon sa samahan ninyo?  Doon sa napakaraming bawal?  Bawal ang ganitong pagkain.  Bawal ang ganitong damit.  Pero kung makapag-inom ka naman… makapagyosi… makapagdamo… ubod nang inam.”, pangungutya ni Tukmol.

“Huwag na nating pag-usapan ang tungkol diyan sa relihiyon at politika.  Walang patutunguhan ang usapan kapag ganyan ang tema.  Change Topic.”, sabat ni Ton.

Katahimikan.

“Uy, nakita mo ga Tukmol iyong shooting star? Ang bilis ah!”

“Oo.  Nakita ko Pareng John.”, sagot ni Tukmol.

“Narinig ko iyon.  Bukas ninong kaming pito sa anak mo ha!”, biro ko.

“Pag-iisipan ko.”, mabilis na sagot ni Tukmol.

“Ano pala ang wish mo doon sa bulalakaw?”

“Sikretong malupit.”, sagot ni Tukmol.

“Hindi naman totoo iyang wish-wish na iyan.”, sabat ni Ben.

“Totoo iyan!”, pilit ni Tukmol. “Dati nga… nag wish ako sa genie eh… nagkatotoo!”

“Weh!  Umpisa pa lang, hindi na totoo eh.  Hindi naman totoo ang genie.“, pambabara ni Ton.

“Makinig ka muna kaya sa akin! Basag-trip ka ah!”, halatang nayayamot na si Tukmol.

“O, anong wish mo sa genie?”,  panimula ko ulit.

“Ayon nga.”, pagpapatuloy ni Tukmol.  “Sabi ng genie, ano daw ang dalawang wish ko.  Sabi ko… gusto ko ng mahabang memory (sabay turo sa ulo niya) at gusto ko din ng mahabang stick (sabay turo sa zipper niya).  Sabi ng genie, isa laang daw ang puwede niyang ibigay.  Pumili na laang daw ako ng isa.  Eh di binara ko.  Sabi ko, dalawa pa ang itinanong mo, isa laang naman pala ang ipagkakaloob mo!  Sagot niya, ganoon talaga ang buhay, kailangan mo talagang isakripisyo ang isa para makamtan ang isa.”

Tumigil bigla si Tukmol sa pagku-kuwento.

“Anong pinili mo?”  Halos sabay-sabay kaming nagtanong kay Tukmol.

“Ewan ko.  Hindi ko na maalala.”, sagot ni Tukmol.

“HAHAHAHAHA!”  Sabay-sabay ulit kaming nagtawanan maliban kay Uweng.

“Slow ka talaga Pareng Uweng.  Mahina!”, biro ni Tukmol.

“Consistent ka talaga Pareng Tukmol.  Puro berde yang jokes mo!”, tinapik ko si Tukmol.

“Hahahaha!  Ganoon talaga John, Pareng John.  Ang aking utak ay kasing luntian ng Damuhan.  Huwag laang pare ang dugo.  Iba na iyon.  Alien na iyon. ”, pagsang-ayon ni Tukmol.

“Pero seryoso Pareng Tukmol.  Anong wish mo doon sa bulalakaw?”, pangungulit ko.

“Wish ko?  Sana… Sikreto nga di ga!”, nagagalit na naman si Tukmol.

“Ano nga?!”, pangungulit pa ni Dave.

“Sana mapasa-amin na ang Parang.”, pagdidiin ni Tukmol.  “Dito ako ipinanganak, dito ako lumaki, dito ako mamamatay!  Kaya Pareng John, John pala sabihin mo dyan sa magaling mong amang si Don Juan na huwag nang ialok ang Tumana sa gobyerno para gawing kalsada.  Tapos isusunod ninyong ibenta ang Parang para patayuan ng palengke… ng hospital at ng kung anu-ano pa!  Pagkatapos palalayasin ninyo kami dahil magtatayo kayo ng subdivision, ng mall, ng… Pagsasaka lamang ang alam naming gawin.  Saan ninyo kami itatapon?  Paano naman kami?  Paano naman ang Damuhan?”

Katahimikan.

“Pareng Tukmol, natatandaan mo pa ga iyung hinabol nating manok ni Mang Endong?  Yung manok na may bulutong?”, pag-iiba ni Jake ng usapan.

“Hindi na.  Di ga, mahina na ang memory ko.  Hindi iyan ang hiniling ko sa genie.”, sagot ni Tukmol.

“Iyung pagkatapos nating mahuli ay binuhusan mo Tukmol ng gaas.  Tapos ay sinindahan mo ng posporo!”, pagpapatuloy ni Jake.

“Ay oo nga.  Hahahaha!  Ang liligalig nga natin noon ah!”, sumakay na si Tukmol.

“Ikaw laang maligalig.  Ikaw kaya ang nagbuhos ng gaas!”, paglilinaw ni Ben

“Pero tayong walo lahat ang humabol! Hahahaha!”, halos mautas si Tukmol sa katatawa.  “Pagkatapos kong sindihan ay nakaalpas ulit at kumaripas ng takbo.  Kung anong madaanan ay nagliliyab din.  Hahahahaha! Tapos may dala-dala kayong timba ng tubig.  Inaapula ninyo iyong nasunog na mga damo pero hindi ninyo mabuhus-buhosan yung nagliliyab na manok.  Hahahaha.”

Katahimikan.

“Tapos doon sumuot iyong nagliliyab na manok doon sa taniman namin ng tubo.  Tapos nasunog ang buong tubohan namin.”, pagpapatuloy ko.

Katahimikan ulit.

“Buti na laang at ikaw Pareng John ang sumalo sa akin kay Don Juan.  Sinabi mo na laang na ikaw ang sumunog ng tubohan.”,  si Tukmol ulit.

“Sinabi ko na lang na total ay ilohan na, anihan na ng tubo…  Tutal magugulang na naman yung tubo, puwede na iyong sunugin para madala sa Central at magawang asukal.”, pagpapatuloy ko.

“Hahahahaha!  Kagaling nga namang magpaliwanag ni Pareng John.”

“Pasalamat ka Pareng Tukmol at hindi doon sa dampa ni Mang Jose pumasok iyong manok.  Kung nagkataon…”, pagsingit ni Pol.

“Hahahaha!”, si Tukmol ulit.

“Pinaimbestigahan din kaya iyon ni Daddy.  May mga nakakita rin kasi na hinahabol natin iyong nagliliyab na manok bago masunog iyong tubohan namin.  Kumuha pa nga si Daddy ng abogado.”, paglilinaw ko.

“Abogado, abogado!”, tila galit na naman si Tukmol.  Ikaw Pol!  Sabihan mo iyang magaling mong ama na si Judge Querubin na ibigay na sa amin ang lupang ito. Ang tagal tagal na ng kasong iyan ah!”

“Sige.  Makakarating iyan Pareng Tukmol., sagot ni Pol. “Pero Pareng Tukmol  kahit na mapasainyo ang titulo ng Parang, kapag gobyerno na ang gumalaw,  wala na tayong magagawa diyan.  Ayon sa Power of Eminent Domain, mapipilitan kayong isuko ang titulo kung kapakanan ng publiko ang nakasalalay.

“Power. Power.”, pangbabara ni Tukmol.  “Ang sabihin ninyo ay nagsasabwatan ang mga hinayupak ninyong mga magulang dahil sila-sila din ang makikinabang.  Kung totoo ang sinabi ng lolo ko… kung totoo nga, noon daw unang panahon ay wala namang pormal na titulo ang mga lupa.  Kakaunti pa raw ang tao noon kaya hindi sila nag-aagawan.  Yan daw mga magagaling na mayayamang iyan na nagmana kina Columbus at Magellan ang nagpagawa ng mga titulo ng lupang hindi naman talagang sa kanila.  Ultimo daw tabi ng dagat at matataas na bundok ay kanilang ginalugad para angkinin.  MGA GANID!”

Pagkatapos ni Tukmol sa kanyang talumpati ay agad itong tumagay.  Nang akmang mamumulutan na ay:

“Wala na gang galunggong?”, reklamo ni Tukmol

“Wala na.”, sagot ni Uweng.  “Mahal, ilabas mo nga ang papaitan diyan!”

“Papaitan?  Kinatay mo na si Kabring, iyong alaga mong kambing?”, tanong ni Ben.

“Engot!  Papaitan! Yung damong kinuha ko kanina sa bawangan.  Iginisa ko!”, sagot ni Uweng.

“Aysus!  Sige.  Masarap din iyan! ”, susog ni Dave.

Matagal na rin akong hindi nakakatikim ng papaitan.  Ito ay iyong damong mapait pa sa ampalaya.  Pero masarap.  Lasang karne.

“Akalain mo nga naman.”, sumingit si Ton habang tumitikim ng papaitan.  “Sinong mag-aakalang itong damong halos walang silbi ay puwede palang pulutanin at iulam.”

“Oo nga.  Yun ngang damong pansit-pansitan na kung saan-saan laang natubo ay siyang ipinaiinom ko sa anak kong may sipon at ubo.  Kabisa!,”, dagdag pa ni Uweng.

“Saka yung damong ginawang ointment ni Pareng John.  Yung damong…”, si Jake naman na pilit inaalala ang pangalan ng damo.

“AKAPULKO!”, sagot ni Tukmol.

HAHAHAHAHA!  Sabay-sabay ang tawanan.

“Tama! Akapulko iyung iginamot ni Pareng John diyan sa buni ni Tukmol.”, pagpapatuloy ni Jake.  “Hahahaha.  Naaalala ninyo pa ba iyong buni ni Tukmol na isang ektaryang bawang na yata ang naikukuskos ni Tukmol ay hindi pa rin maalis-alis?  Hahahahaha!  Akapulko laang pala ang katapat!”

“Iyong tuba-tuba.  Mabisa din iyon.”, pagsingit ni Ben.  “Iyon daw dati ang inilalagay ng nanay ko sa tiyan ko kapag sumasakit. Pinapahiran laang ng langis ng niyog at idadarang nang kaunti sa apoy.”

“Sus!  Mapupulutan ninyo ga naman ang mga damong iyon?  Subukan ninyong pulutanin iyang tuba-tuba.  Maya-maya ay patay kayo!, pambabara ni Tukmol.

“Iyon ang tinatawag na jathropa.”, pagdudugtong ko.  “Madami nang nagtatanim noon.  Puwede daw iyong biodiesel.  Pampalit sa gasolina.  Hinihikayat ng gobyerno na magtanim ng ganoong halaman.”

“Sus!  Sa galling naman ng gobyerno sa mga ganyang bagay.  Anong nangyari doon sa mais?  Ayaw ipagbili para sa pagkain ng tao at sa paggawa ng darak na pakain sa mga hayop.  Pinapakyaw nila iyong mga bunga para pagkuhanan ng ethanol.  Kaya kaming mga mahihirap na magsasaka ay nahihirapan.  Puwede gang gawing maja blanca iyang ethanol na iyan?  Puwede ga iyang ipakain sa hayop?”, pagsabat na naman ni Tukmol.

“Itigil na natin ang usapang ito.  Wala itong patutunguhan.  Yung palay dati…”, pagpapatuloy ni Tukmol.

“Akala ko ba ay tama na? “, singit ni Ben.

“Sandali laang…”, pagpipilit ni Tukmol.  “Yung palay dati, ang dami naming naaani.  Ngayon… ano na?  Kakaunti na.  Umiinit na ang panahon.  Natutuyo na ang lupa.  Kumakaunti na ang lupang puwedeng pagtaniman ng palay!  Ginawa na nilang subdivision… ginawa na nila kung anumang gusto nilang gawin!  Utang na loob!  Gawin na nilang subdivision ang buong Pilipinas, huwag lamang itong Damuhan.”

“Ayaw mo ga noon Pareng Tukmol, mapapalapit na tayo sa sibilisasyon? Pag natuloy ang Villa San Isidro Project?”, usisa ni Jake.

“Hindi ko kailangan ng luho!  Simpleng pamumuhay laang ang gusto ko!”, pagdidiin ni Tukmol.

“Tama ka pareng Tukmol. ”, pagsuporta ni Uweng.  “Bayaran man nila ako ng milyun-milyon para dito sa lupang kinatatayuan ko, patayin muna nila ako bago nila ito makuha sa akin.  Ang tao ay parang damo.  Puwede tayong tumubo kung saan-saan.  Kapag malalim na ang ugat natin, mahihirapan na silang tayo ay paalisin.”  Kinakailangan muna nilang mahukay ang punong-ugat bago nila tayo mapatay.  At mapatay man nila ang punong-ugat, siguraduhin muna nila na hindi tayo nakapamunga at nakapagpunla ng mga buto na di maglalaon ay magsisibol ang bagong henerasyon.”

“Kaw!  Makata naman pala itong si Pareng Uweng eh.”,  si Jake naman ang sumabat.  “Parang iyong nabasa ko dati noong nasa high school pa ako eh.  Yung aklat ng panitikan. Para kang si Lope K. Santos ah. ”

“Ako, ayos laang sa akin.  Kahit na anong mangyari.”, si Jake naman ang nagpaliwanag.  “Kahit na matuloy ang Villa San Isidro Project.  Okay din naman kung bibigyan tayo dito ng mga lote.”

Katahimikan.

“Ang sabi sa akin ni Daddy, total ako naman daw ang tagapagmana.  Nasa akin daw ang desisyon.”, magsisimula na sana akong magpaliwanag.

“Ano ngayon? ”, pinutol ako ni Tukmol.  “Sa iyo na ang Tumana!  Sa iyo na ang Ilang na Daan.  Pero sa amin itong Parang!  Nasa korte pa ang kaso ng Damuhan!  Huwag kang manigurado!”

Galit na galit na si Tukmol.

Katahimikan ulit.

“Gabi na.  Baka hinahanap na kayo ng mga magulang ninyo.”, ang sabi ni Uweng na tila nag-aalala na rin sa asal ni Tukmol.

“Ayos lang kami.  Malalaki na kami.  Saka may tiwala naman sa amin ang aming mga magulang.”, sagot ko.

“Umuwi na kayo at baka kung ano pa ang mangyari sa inyo dito.  Kayo ba…  may tiwala ba kayo sa amin?”,  pagyayabang ni Tukmol.

“Oo naman Pareng Tukmol.”, mabilis kong sagot.  “Kayo ba?  May tiwala ba kayo sa amin?”

“Oo naman.”, sagot ni Jake.

“Oo naman.”, sagot ni Ben

Katahimikan ulit.

“Oo naman.”, sagot ni Uweng.  “Ikaw Pareng Tukmol?”

Hindi sumasagot si Tukmol.

“Oo naman.” Sumagot din sa wakas si Tukmol.  “Naniniwala naman kaming Unlike Father, Unlike Son.  Naniniwala naman kaming hindi mapapantayan ng kahit anuman ang samahan natin dito sa Damuhan.”

“Paano bukas…”, pagpapatuloy ni Tukmol.  “Maaasahan ko ga Pareng Ton yung libreng binyagan?”

“Iyon ay kung… kukuhanin mo kaming pito para maging ninong ng anak mo.”, matalinong sagot ni Ton.

“Sige.  Aasahan ko kayo bukas ha!”, si Tukmol ulit.

***

Nabinyagan din sa wakas ang anak ni Tukmol na gunggong at ninong nga kaming pito pang gunggong.  Hindi na namin masyadong pinagtutuunan ng pansin ang tungkol sa Villa San Isidro Project at kung mapag-usapan man ay kalmado na si Tukmol.  Walang  akong pangakong ibinigay sa mga taga- Damuhan.

***

Biniro ko ang Apat na Payat.  Sinabi kong maglaro kami ulit ng sikyo.  Pero sa pagkakataong ito ay may nakataya ng pusta.  Ang sabi ko sa kanila… kung sinong manalo sa sikyo ay siya ding mananalo sa kaso ng Damuhan.  Pinatulan naman nila ang aking alok.  Siguro nga ay alam din nila na ako ay nagbibiro din lang naman.  Pero si Tukmol… sineryoso ang laro.

Alas-onse ng umaga. Nasa kanya-kanya nang base ang Silangan at Kanluran- ang Apat na Sikat at ang Apat na Payat.  Lahat ng mga batang naglalaro ay nagsitigil upang saksihan ang tagisan ng Walong Gunggong.  Madami ang mga tagasuporta ng Apat na Payat na hindi matinag-tinag sa kanilang pagkanta ng kanilang chant.  Kahit papaano naman ay may mga bata doon na taga Silangan. Kumakanta din sila ng aming chant.

Nagsimula na ang Sikyo ng Walong Gunggong.

Unang umalis ng base si Uweng.  Nang makarating siya sa halos gitna ng Tumana ay hinabol siya ni Pol.  Pero sa halip na bumalik si Uweng sa kanilang base ay pumunta pa ito sa direksyon na pa-ilaya.  Si Uweng ang pinakamatulin pero may pagkakataon na natataya din naman siya ni Pol.  Malayo na ang dalawa.  Papuntang tubohan ang direksyon nila.

Umalis ng base si Ben upang habulin si Pol at tulungan si Uweng.

Agad namang sinundan ni Dave ang tatlo.

Hindi nagtagal ay nagtangka naman si Jake na lumapit sa aming base.  Hinabol siya ni Ton.  Walang panama si Ton kay Jake sa bilis.

Agad na nakapunta si Jake sa bandang likuran at tinahak ang daan papuntang Ilang na Daan.  Si Tukmol na lamang ang natira sa kanilang base at ako sa aming base.

Sa pagkakataong ito ay puwedeng may sorpresa na lamang na sumigaw ng “sikyo” pagkatapos makatapak sa kalabang base.  Kailangang alerto ang tagapagbantay ng base.  Puwedeng manggaling ang kalaban sa silangan.  Sa kanluran.  Sa ibaba at sa ilaya.

Nagulat ang mga manonood nang makabalik si Uweng sa Tumana galing sa tubohan.  Ibig sabihin lamang noon ay hindi pa siya natataya ni Pol o ni Dave.  Agad itong bumalik sa kanilang base at tumalilis sa direksyon ni Pol at Dave.

Si Ton naman at Jake ay hindi pa bumabalik mula sa Ilang na Daan.

Maya-maya pa ay si Ben naman ang bumalik ng kanilang base.  Ibig sabihin lamang noon ay hindi siya nataya ni Dave.

Hindi pa rin bumabalik sina Pol, Dave at Ton.

Nagtatakbo si Ben sa direksyon ng Ilang na Daan upang tulungan si Jake at tayain si Ton.  Hindi ko naman siya puwedeng habulin dahil walang magbabantay sa aming base.

Nakabalik na sa Tumana si Uweng at sa pagkakataong iyon ay bitbit na niya sina Pol at Dave.  Nabihag niya sina Pol at Dave.  Dumipa sina Pol at Dave sa base ng kalaban sa pag-asang sila ay madadagit at matutubos muli.

Agad na nagtungo si Uweng sa Ilang na Daan.  Pero ilang saglit lang ay nakabalik na ng aming base si Ton.

Ako naman ang umalis para habulin sina Uweng at Jake.  Tumungo ako ng Ilang na Daan.  Wala doon si Jake.  Si Uweng na lamang ang nakita ko na agad na tumakbo dahil alam niyang tatayain ko siya.  Madali ko namang nataya si Uweng dahil sa pagod na siya.  Pagbalik namin ni Uweng  sa Tumana ay nagulat kami.  Nakadipa na din si Jake sa aming base.  Nataya siya ni Ton nang nagtangka itong sumikyo.

Patas ang laban.  Tig-dalawa kaming bihag.  Umalis ng base namin si Ton upang dagitin sina Pol at Dave.  Hinabol siya ni Ben nang mangalahati siya sa Tumana. Nagpapaikot-ikot ang dalawa pero hindi umaalis sa gitna ng Tumana.  Nang malaki na ang agwat ni Ton kay Ben ay nagtangka si Ton na dagitin sina Pol at Dave. Isang hibla na lamang ng buhok at masasagip na niya ang dalawa pero pumagitan si Tukmol na naglakas-loob dahil pabalik na ng base si Ben.  Nataya ni Tukmol si Ton.

Dalawa laban sa isa. Bumalik si Tukmol sa base.  Si Ben naman ang umalis sa kanilang base at sinubukang dagitin sina Uweng at Jake. Pero hindi pa siya nakakalapit ay sinalubong ko na siya. Tumalikod kaagad ito nagplanong bumalik ng base.  Hindi ako bumalik ng base bagkus ay hinabol ko siya at tinaya.  Dumiretso pa ako kina Pol, Dave at Ton na nakadipa nang magkakadugtong at sila ay aking nadagit at nabawi.  Apat laban sa isa.

Hindi na kinakailangang bumalik pa ng base sina Pol, Dave at Ton.  Agad naming pinalibutan si Tukmol na buong tapang na ipinagtatanggol ang kanilang base.  Aligaga na si Tukmol.  Hindi malaman kung saan papaling.  Pinagtuunan niya ng pansin sina Pol at Ton na kilala sa Damuhan sa galing mang-agaw ng base nang padausdos.  Nasa ilaya si Ton.  Nasa kanluran si Dave.  Nasa ibaba si Pol.  Nasa silangan ako.  Palitan ang kanyang pagharap sa ilaya at ibaba habang pinakikiramdaman lamang ang silangan at kanluran.

Ang pulang lupa na pinagkaitan na ng luntiang damo ang nagsisilbing base.  Hindi na makaya pang mag-adhika ng bagong sibol na damo ang pulang lupa na iyon na halos dalawang kuwadradong talampakan na ang sukat.  Kapag tag-ulan lamang kung kalian iilan lamang ang nagsisikyo, iyon ang panahon na nagkakaroon ng pag-asa ang pulang lupa na mabalutan siya ng damo. Subalit dahil sa mababaw na hukay na naging bunga ng mga paang dumausdos dito mula pa noong isinilang ang larong sikyo napupuno ito ng kaunting tubig at nagiging pulang putik.

“Isuko mo na laang ang Bataan!”, sigaw ni Jake mula sa kabilang base.  “Baka tamaan na naman iyang sakong mo at mapilayan!”

“Huwag!”, paglaban ni Uweng.  “Kaya mo pa yan, lumayo ka pa nang kaunti sa base para lumayo din sila.  Mahirap umikot kapag nakapako laang iyang mga paa mo!  Mahihirapan kang makita ang mga kalaban.”

Ginawa nga ni Tukmol ang payo ni Uweng.  Sinugod lang niya ang kalabang nagtangkang umagaw sa kanilang base. Subalit lumiit nang lumiit ang distansya ng mga manlalaro sa bawat isa at muling napako ang mga paa ni Tukmol.  Nahirapan siyang harapin ang nasa likod niya.

“Ano? Sabay-sabay na tayo!”, mungkahi ko.

“Sige!”, sagot nina Pol, Ton, at Dave.

“Isa!  Dalawa!  Tatlo!  Sikyo!”

Nahagip ng dalawang kamay ni Tukmol ang mga paa nina Pol at Ton . Si Dave naman ay hindi nakisabay sa amin at nakuha pang manganti kaya siya ay nataya din ni Tukmol.

Hindi ako sanay magpadausdos.  Sinubukan ko.  Halos magkapantay na ang hintuturo kong daliri sa paa at ang aking binti na nakalapat sa lupa. Naramdaman ko ang pagsugat ng maliliit na buga ng mangilan-ngilang buhangin sa aking balat.  Ang hintuturo ko sa paa ay bahagya pang naipit at nadama ko din ang paglapat ng kuko nito sa pulang lupa.

“Taya kayong lahat!”, sigaw ni Tukmol.  “Panalo kami!’

“Huwag kang madaya!”, sagot kong pasigaw din.  “Naagaw ko na ang base bago mo pa ako mataya.  Itong tuhod ko ang iyong nahawakan pero nauna nang sumayad ang aking paa sa base.”

“Wala! Wala!  Taya kayong lahat!, pagmamatigas ni Tukmol.

“Sabay-sabay kaming tatlong nag-sikyo!”, sagot ko.  “Dalawa lang iyang mga kamay mo.  Puwede bang sabay-sabay mo kaming nataya?”

Natigilan si Tukmol.

“Oo nga!”, suporta ni Ben.  “Hayaan mo na.  Panalo na sila.”

“Paano ba ‘yan Pareng Tukmol?”, binalikan ko si Tukmol.  “Sa akin na ang Damuhan.”

“Hindi maaari!”, seryoso si Tukmol.  “Ang base na ito ay hindi Damuhan.  Ibang usapan na iyan!”

“HAHAHAHAHA!”, nagtawanan ang lahat.

“Seryoso ako!”, bawi ni Tukmol

“Hayaan mo at pag-iisipan ko.”, pagpapakalma ko kay Tukmol.

***

Naging maayos naman ang lahat pagkatapos ng laro.

***

Lumipas ang bakasyon.  Panahon na para bumalik ng eskuwelahan at magpalista para sa susunod na semestre.

Bachelor of Science in Business Management sa isang sikat na unibersidad.  Ito ang ipinakuha sa akin ni Daddy.  Ni sa hinuha ko ay hindi pumasok na ito ang kuhanin kong kurso.  Wala akong nagawa.  Ito daw ang paghahanda ko bilang tagapagmana ng Villa Land. Magma-Masters pa daw ako sa parehong unibersidad pagkatapos ko sa kolehiyo.  Iyon daw ay para mapag-aralan ko ang pasikut-sikot ng negosyo namin.

Sa hindi ko alam nadahilan, nakasanayan na ni Daddy na samahan ako sa unibersidad sa tuwing ako ay mag-e-enroll.   Nakasanayan ko na rin.  Kilalang-kilala siya sa eskuwelahan. Siya ang humaharap sa Registrar. Siya ang nagbabayad sa kahera.

Pagkatapos ng pagpapalista, kumakain kami sa labas, nanonod ng sine, namimili sa mga mamahaling shops, at namamasyal sa kung saan man naming gustuhin.  Tumitigil siya ng ilang araw sa aking condominium na malapit lamang sa eskuwelahan.  Pagkatapos ay ihahatid ko siya sa San Isidro bago magsimula ang pasukan.  Ganito kami palagi kapag enrollment na, maliban na lamang noong nakaraang semestre na sinadya kong magpalista nang nag-iisa.

Lunes.  Maaga kaming gumising ni Daddy.  Pagkatapos ng almusal ay inihanda na ni Mang Tino ang sasakyan ko.

Ako ang driver.  Si Daddy ay nasa tabi ko. Tinatahak namin ang National Road patungong Tagaytay.  Huminto kami sa isang gasolinahan para magpakarga ng gasolina at maipa-check-up ang sasakyan dahil malayu-layo din ang biyaheng aming tatahakin.

Mula sa National Road ay abot-tanaw ang buong Damuhan.  Kapag pinagmasdan mo ang Ilang na Daan ay aaakalain mong nasa ibang bansa ka at nakararanas ng autumn na panahon dahil sa iba’t ibang kulay ng mga dahon ng punong talisay at santol.  Samantalang ang kumpol-kumpol na rosas at puting mga bulaklak ng akasya ay mapagkakamalan mong cherry blossoms ng Japan.  Hindi maaaring hindi mo mapapansin ang mga bughaw na bulaklak ng banaba, ang mga nag-aapoy na pulang bulaklak ng kabalyero, ang mga dilaw na dilaw na bulaklak ng narra at ang mga kulay kahel na bulaklak ng apitong.  Ang Tumana ay luntiang-luntian samantalang ang Parang ay mistulang bukid ng ginto dahil sa hinog nang palay at tuyong dahon ng mais. Puting-puti naman ang tubuhan dahil sa mga bulaklak nito na animo’y mga lumilipad na yelo kapag nahihipan ng malakas na hangin.

“Maganda hijo ang topography ng Damuhan.”, pagsisimula ni Daddy ng usapan habang kami ay kapwa nakatingin sa kabuuan ng San Isidro.

Ang pagtango lang ang aking naging sagot.

Nagpatuloy si Daddy…

“Hindi na tayo gagastos nang malaki sa pagpapatambak at pagla-landscape.” Natural na natural ang mga gulod, dahilig at burol.  At ang maliit na sapa doon… puwede mo iyong ipahukay pa at gawing water sports complex kagaya ng ginawa sa Nuvali at Camsur.  Maraming turista ang dadayo dito para mag wake boarding,  Yung masukal na Ilang na Daan kahit hindi mo na putulan ng puno.  Puwede mo iyong gawing theme park para sa eco-tourism.  Napansin mo ba… madami pang species ng hayop at halaman doon? ”

“Napakaganda talaga Daddy ng Damuhan.  Parang isang larawan na iginuhit ni Fernando Amorsolo.”,  pagpapatuloy ko.

“Sa St. Isidore Village… iyong nasa bandang silangan, anong nakikita ninyo?”, pagpapatuloy ko habang itnuturo ang direksyon ng St. Isidore Village.

Pagkunot lang ng noo ang isinagot ni Daddy.

“Sir, ayos na po ang sasakyan ninyo!”, tinawag kami ng gasoline boy.

Pagkalabas ng sasakyan mula sa gasolinahan ay kinabig ko ang manibela pakaliwa… sa pabalik na direksyon.

“Hindi ba tayo magta-Tagaytay?  Mas malapit doon papuntang Maynila.  Wala namang gaanong trapik ngayon.”, gulat na tanong ni Daddy.

“Mag Star Tollway na lang tayo Dad!”, maagap kong sagot.

“Baka hindi tayo umabot niyan sa palistahan.  O, sige kahit bukas ka na lang mag-enroll. ”, pahabol ni Daddy.

“Aabot po tayo Daddy.  Makakapag-enroll po ako ngayon.  Makakapag-enroll pa po ako sa UP…LB.”, sambot ko.

“Lumipat ka na ba ng UPLB? Ayaw mo na ba sa UP Diliman?  May Business Management na ba sa UPLB?”, sunud-sunod na tanong ni Daddy.

“Ipagpaumanhin po ninyo… nag-shift na po ako sa Agriculture.”, pakumbaba kong sagot.

Katahimikan

“Tulad ng sabi ko sa iyo.  Nasa iyo ang desisyon.”, pagwawakas ni Daddy.

.

.

Ang Maikling Kwentong ito ay nagkamit ng:

29 replies on “Damuhan”

masukal…nasaling…ga….kung hindi ako nagkakamali taga batanggenyo ang sumulat nito oh di kaya naman ay mindorenyo?

sikyo = isa sa mga larong kinalakhan ko, at marahil ay ganoon din ikaw kaibigan.

magkaganunpaman,matagumpay mong nailathala ang mga hinihinging salita.

goodluck kaibigan!

– jayrulez

nung bata pa ako, tinatanong ko sa sarili ko,
bakit kaya tinawag na maikling kwento? eh ang haba naman pag binasa ko? aheheheh

nice write up.. ^_^
gusto ko ung pagsulat.. ang lalim.. ahihih

galing! ang sarap basahin ng buong kwento! =) at sa katapusan nito, tulad ng pag shift nya ng course, nag shift nadin ang desisyon nya na panatilihing sakahan ang damuhan! =)

Una sa lahat gusto kong magbigay pugay sa isang akda na pwedeng pwedeng isa libro alam kong marami ang tatangkilik nito….kaabang abang kung ano nga ba ang desisyon ni John. Binabati rin pala kita Sir! Mabuhay ka.

buhay na buhay ang paraan mo ng pagkukuwento.. nabubuo sa isip ko yung mga tauhan habang binabasa yung palitan ng salita… pagkakagaling… siya, salamat din sa pagsinsay sa blog ko..

“Ipagpaumanhin po ninyo… nag-shift na po ako sa Agriculture.”, pakumbaba kong sagot.
Katahimikan “Tulad ng sabi ko sa iyo. Nasa iyo ang desisyon.”, pagwawakas ni Daddy.

Gurabe after kong mabasa yung ending kinilabutan ako, “All’s well that ends well ang ending!”.. And the ending reminds me of a commercial where a son shift to another course,.. In-assume ko ng na sasagot si pudang ng “kung san ka masaya, suportahan taka”, hehe, pero infairness sa pudang nea wit na nakipag argue ang sinuportahan na lng xa sa nais nea!.. Nice one!..

Haay matapos ko ng basahin. Mahaba pero mahusay, mahusay ang pagkakasulat, malaman , maraming matutunan. Ramdan ko and tension akala ko may Itakang magaganap. Characters are very believable. Especially Tukmol. My favorite of the 8. 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s