Categories
Medium-Filipino Short Stories

Tagpuan (Pana-panahon, The Sphere, August 2003)

.

Lumalamig na ang simoy ng hangin.
Bagama’t nakaaaliw pagpakuan ng pansin ang mala-dalandang araw sa gitna ng pinaghalu-halong kulay ng papawirin at ang manakanakang pagsimbad ng mga layang-layang sa kating dalampasigan, parang ako’y nawawalan na ng pag-asang ikaw ay sisipot pa sa dati nating tagpuan.

.
May tatlong oras na rin akong naghihintay. Siguro kung naipon ko lamang lahat ang mga maliliit na sihay na aking nadaanan habang namamaybay, kukulangin ang isang bayong upang maisilid ko iyon at sa iyo ay maialay.

.
Sangkapat na lamang ng araw na dahan-dahang nagtatago sa tangway ng Calatagan ang aking natatanaw. Malapit na ring lamunin ng karimlam ang aking panoorin. Sana naman ay makita ko kahit anino mo man lamang, bago magtaog at tuluyang mabasa ang nakatupi kong salawal.

.
Ang liwanag ng araw ay inagaw na ng buwan at mga bituin, ng mga kinkeng de gaas at mga mumunting kislap na animo’y alitaptap sa ilalim ng dagat. Ngunit tila yata hindi magaganap ang pagkutitap ng iyong mga mata sa oras na sadyang kinakailangan.
Kailangang masilayan kita bago ako lumuwas ng Maynila.

.
Kasalanan ko bang hindi ako nagging palahayag ng aking damdamin noon?

.
Kasalanan ko bang kailangan mo pang itanong na “Mahal mo ba ako?”, bago ko masabing “Mahal na mahal kita.”?

.
Kasalanan ko bang timbangin ko ang aking pag-aaral at ang pag-iibigan natin?

.
Kasalanan ko bang paghintayin kita sa aking pagbabalik at paghahayag ng matagal nang ini-ensayong linya?

.
Oo na. Ako na nag may kasalanan. Ngunit nasaan ka na ngayon? Bakit kailangang pagpasakitan mo ako nang ganito?

Lampas-tuhod na ang tubig-dagat. Naiinggit na tuloy ako sa ilog sa di kalayuan sa likuran ko na maya-maya lamang ay makikipagniig na sa dagat sa pinag-usapan nilang tagpuan.

.
Kung hindi man tayo magkita ngayon, sana sa susunod na bakasyon man lamang.

.
May gumuhit ng bulalakaw sa kalangitan. Parang nagkaroon ako ng kaunting pag-asa, kahit dati-rati ay hindi ako naniniwala sa paghiling sa bulalakaw.

..
Ngunit hindi ka nagpakita. (Itutuloy)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s